Wednesday, March 11, 2009
Ploning
Napakagaling ng mga gumanap dahil talagang pinag-aralan nila ang salitang "Cuyonon". Hindi biro ang mag-aral ng salita. Ang pagkakasambit ni Judy Anne sa kaniyang mga linyang Cuyonon ay parang natural lamang. Walang bahid ng ebidensya na bago-bago lamang siya sa salitang nabanggit.
Ang sinematograpiya ng Ploning ay talaga naman kamangha-mangha dahil naipapakita nito ang totoong ganda ng Pilipinas. Ang dagat sa Cuyo ay parang walang kasing asul at talaga namang matingkad ang kulay. Napakasimple ng buhay at naipakita nila ng mabuti ang panahon na "noon" at "ngayon". Makikita agad sa sinematograpiya ang pagbabago ng lakbay ng panahon kaya hindi ito masyadong nakakalito.
Napakganda ang eksena nang si Gina Pareno ay nagbuhos ng kaniyang sama ng loob ukol kay Tomas. Talaga naman na nakakaiyak ang eksena dahil sa hindi ko malamang aura na lumabas sa mga tauhan. Ang karisma na kanilang inihahandog sa tao ay hindi pwedeng tanggihan na para bang wala kang kawala. Napakaganda. Patuloy ang pamamayagpag ni Pareno maski siya lamang ay aktres na sumusuporta sa pinaka-bida.
Sa kabuuan, makikita at mararamdaman mo ang pagmamahal kay Ploning kahit na siya ay walang lalaking kapares sa istorya. Lahat ng mga tauhan ng palabas na ito ay hindi pampasikip o bilang ekstra lamang. Lahat sila ay malaki ang kontribusyon sa kinalabasan ng Ploning. At dahil diyan, ang palakpak ng marami ay kulang para maipakita ang ganda ng palabas na Ploning.
LIGHTS OUT!
Ang unang kaganapan ay ang bagong kasal na naisipan na mag-honey moon sa motel ng istorya. Sa sobrang kalasingan, nakatulugan ng lalaki ang babae sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalik.
Ang pangalawang eksena naman ay tungkol sa isang profesor na may karelasyon na estudyante. Dito nalaman nila na buntis ang estudyante.
Ang sumunod na eksena naman ay ang mga estudyanteng gumagamit ng masamang gamot at kung ano pang-eksperimento na kanilang maisipan. Sadya lamang na ang kabataan sa panahon ngayon ay masyadong nakikibagay sa panahon na hindi naman dapat sabayan sa lahat ng oras.
Ang pang-apat na eksena ay tungkol naman sa babaeng pinatay ang kaniyang nobyo sa loob ng kwarto ng motel. Ito ay dahil sa isang text message na nabasa ng babae sa telepono ng kaniyang nobyo.
Ang huling eksena naman ay tungkol sa janitor at janitress ng motel na nagkahulugan ng loob.
Ang istorya ng "Lights Out" ay may halong komedya at liberalismo pagdating sa paglalahad ng sekswalidad. Maganda ang istorya kung liberal at bukas ang iyong isip. Ngunit kung ikaw ay isang konserbatib na tao, baka kamuhian no lang ang istorya.
Sa aking opinyon, masyadong malapit sa realidad ang kanilang istorya pero kung tutuusin, ito naman talaga ang katotohanan. Ito ang realidad na sadyang nangyayari ngayong panahon natin.
Tama lang ang setting ng play na ito at magagaling ang kanilang mga taga-ganap dahil todo-bigay naman talaga sila sa pag-arte.
Sa kabuuan, maganda naman ang kanilang play at maraming mapupulot na aral. Isa dito ay hindi dapat nagpapadala ang kabataan sa tulak patungo sa masama ng mga nakakasama. Matuto tayo na huwag umasa sa iba at pumili ng mga desisyon na talagang ikakasiya ng iyong sarili at ng mga taong importante sa iyo.
Hiram, Ang Lalaki sa Larawan ni Camilla
Bata pa lamang si Cyris nang makita niya ang litrato ng kaniyang kanuno-nunuoan na lolo niya na nagngangalang Cyrano at nahulog ang kaniyang loob dito. Si Berenice naman ang kanuno-nunoan na lola niya na nagngangalang Berenice. Si Hiram ay kamukhang-kamukha ni Cyrano at ganoon din naman kay Cyris na kamukhang-kamukha ni Berenice. At dahil dito, pinaniniwalaan ni Cyris na sila ang muling binuhay na mag-asawang Berenice at Cyrano at sila din ang tinakda para sa isa't isa. May kuro-kuro na si Alameda at Josefito ang totoo nilang reinkarnasyon.
Sa ika-walumpong taong kaarawan ni Cyris, sila ay unang nagtagpo ni Hiram ngunit hindi ito naging maganda. Hindi nagkasundo ang dalawa at nag-iwasan na lamang. Sa mga taon na sila ay hindi nag-uusap, pinilit ni Cyris na kalimutan na lamang ang ilusyon niya kay Hiram na sila ang itinakda na magkatuluyan ngunit wala siyang sinagot na sino man na nangliligaw sa kanya. Naging matagumpay si Hiram sa kaniyang trabaho at gayundin naman si Cyris sa kaniyang pag-aaral. Pinagtagpo silang muli ng tadhana hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa't-isa.
Nakilala nila ang anak ni Alameda at Josefito na si Zahir. At ipinangako ni Zahir na sila ay dadalhin sa Unang Lupa na tahanan ng mga pinakamataas na estado sa mundo ng mga lamang lupa kung sila ay magpapakasal. Si Hiram at Cyris ay nagpakasal na dahil sa di mapag-kailang pagmamahalan. Sila ay nagtalik at dito nila napag-alaman na sila nga ang reinkarnasyon ni Alameda at Josefito. At gaya ng ipinangako ni Zahir, sila ay inilibot sa mahiwagang Unang Lupa.
II. Pagsusuri
Ang kwento ng “Hiram, Ang Lalaki sa Larawan” ay kombinasyon ng romansa at mahika. Ito ay pinaghalo ng manunulat upang makamtan ang nais na makabuo ng istoryang sadyang kaaya-ayang basahin muli at kapana-panabik sa mga mangbabasa niya.
Nakalilito ng kaunti ang ginamit na salita ng manunulat dahil ito ay 'tag-lish' o pinaghalong Tagalog at Ingles. Siya rin ay gumamit ng mga salitang pabalbal. Sa mga mangbabasa na hindi sanay sa ganitong paliku-liko ng salita sa binabasa, sila ay marahil mahirapan din o malito katulad ko. Aking ipapayo na lamang sa manunulat ng nasabing nobela o kwento na bawasan na lamang ang 'pagtatag-lish' upang maiwasan ang pagkalito sa mga mambabasa. Ang halimbawa ng klase ng mga salitang napuna ay ang ”kering-keri” at ang linya na, ”Kuya we are ready na!”
Medyo nalito ako sa mga parte na ipinapakilala ng manunulat ang mga panibagong karakter na daragdag sa kulay ng kwento. Ngunit sa halip na makaragdag ito sa ganda, ako ay nabigyan lamang ng sakit ng ulo dahil sabay-sabay na ipinapakilala ng manunulat ang mga karagdagang karakter. Sa pagkakasabay-sabay na pagpapakilala ng mga panibagong taga-ganap maaring hindi maisaulo agad ng mangbabasa ang mga nabanggit na karakter. Sa di kalaunan, ito ay magdudulot ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng manunulat at mangbabasa.
Akin namang bibigyan ng puri ang manunulat dahil ang istilo ng pagmamahalan ng mga pangunahing karakter ay tradisyonal o makaluma dahil hindi sila nagpadalos-dalos sa kanilang pagmamahalan. Aking bibigyan ng diin ang parte na nagpakasal sina Hiram at Cyris bago sila nagtalik. Ito ay dapat na tularan ng mga tao ngayon, lalo na ang kabataan, na ang tunay na pagmamahal ay hindi minamadali. At hindi napapatunayan ng pagtatalik ng dalawang tao ang tunay na nararamdaman para sa bawat isa. Kung ang dalawang tao ay talagang itinakda, sila talaga sa bandang huli at ang paghihintay ay magbubunga ng mas masasarap na alaala. Sambit nga ni Cyris, 'Let me tell you something about destiny: you cannot fight it.'
III. Konklusyon/Rekomendasyon
Ito ay magandang babasahin dahil may aral na mapupulot dito: ang itinakda ng tadhana ay ang siyang mangyayari sa tamang panahon. Lahat ng bagay na para sa atin ay makakamatan sa tamang paraan ng paghihintay at paniniwala.
Ang kwento ni Hiram ay Cyris ay kahanga-hanga kahit na tanggalin ang sangkap na mahika na idinagadag ng manunulat. Dapat itong basahin ng marami dahil may aral na mapupulot at istoryang tunay na nakaka-aliw.
RATING: * * *
PERYA
Isang karaniwan na salita ang 'perya' lalong-lalo na kapag piyesta sa isang bayan. Ito ay isang lugar kung saan nagkukumpol-kumpol ang mga tao upang maglibang. Ilan sa mga halimbawa ng mga libangan dito ay mga sugal, masasarap na pagkain, mga palabas at mga 'rides' na talaga namang patok sa mga dumadalo.
Sa sobrang dami ng mga salita na aking nagagamit sa isang araw, napapa-isip ako bakit ito ang napili kong pamagat ng aking mabusising pagbubuhos ng laman ng aking mumunting isipan sa pagsusulat ng blog. Marahil ang pinaka-ugat ng paglutang nitong salita na ito ay sa kadahilanan na ako ay nanggaling sa nasabing lugar bago ako nagsulat nitong panimula ko. Napakaganda ng aking naranasan doon kaya naisipan ko na ito na ang pamagat na maikukumpara ko sa mga nangyayari sa buhay ng tao.
Ang sinasabi ko na magandang nangyari kanina sa perya kanina ay hindi masaya. Iyan ang nauna kong natutunan sa pagbisita kong muli doon: hindi lahat ng maganda sa paningin ay masayang maranasan. Ito ay aking ilalahad sa mga susunod na parte.
Kasama ko ang mga kapatid at pinsan ko sa pagpunta doon. Talaga namang napakalaki ng ngiti ko at hindi matago ang saya sa mga mata at kilos ko. Alam ko medyo mababaw ang aking kasiyahan pero hindi ito dahil mismo sa perya. Ito ay dahil marami akong ala-ala sa lugar na ito na pinupuntahan namin kapag piyesta noong bata pa kami. Una naming pinuntahan ang 'color box' na sugal o laro. Ang gagawin mo lamang ay mamimili ng kahit ilan sa anim na kahon na mayroong iba't-ibang kulay. Itataya mo doon ang pera mo at hihintayin ang go signal para hilain ang tali para malaglag ang tatlong dice na naglalaman rin ng mga kulay na nasa board ng tayaan. Kapag mayroon kang itinaya sa isa o dalawa o di kaya naman ay tatlo sa mga kulay na lumitaw sa mga dice, ang halaga ng itinaya mo ay magiging doble.
Napakahaba ng aking pagpapaliwanag pero iisa lamang ang nakakainis na nangyari. Siyempre, pinatalo ko lahat-lahat ng dala ko na pera. Napakaganda ng natutunan ko pero hindind-hindi ako nasiyahan sa pagkalugi ko. Ako ay natatawa na lamang dahil kasalanan ko rin at hindi ko alam paano huminto sa pagtaya kasi umaasa ako na mababawi ko pa. Iyan ang karaniwang sinasabi ng mga sugarol. Nagtanda na sana ako. Ang nais ko lang naman sabihin ay ang buhay ko, katulad ng buhay ng iba, ay punong-puno ng pagpipilian. Ang problema, parang ang mga pinipili ko ay laging mali.
Isa pang maganda na nangyari sa akin kanina ay naranasan kong sumakay ng 'round-up'. Talaga namang pinilit ko ang ate ko ate dalawang pinsan na sumakay kami doon. Lahat ng iba naming kasama ay kahit bigyan mo ng suhol ay talaga naman hindi sasakay. Sana pala nakinig na lamang ako sa kanila. Patatayuin lamang nila ang mga nais sa sumakay sa loob ng bilog pero sila ay nasa gilid at mayroon silang hinahawakan at sasandalan upang hindi malaglag. Bukod pa sa tanikala na naka-tiwangwang sa harapan ng mga sumasakay, wala ng iba pang safety gear. Basta ang sumunod na nangyari ay umiikot na ang bilog at talaga namang mabilis. Sa sobrang bilis, pakiramdam ko nakabakat na iyong railing na sinasandalan ko sa likod ko. Iyong bilog ay tataas at bababa sa iba't-ibang anggulong nakakahilo, nakakasuka, nakakatakot, nakakainis (dahil yung isang lalaki na kasabay namin ay may balak magsuka kahit hindi pa tapos yung ride) at nakaka-alog ng utak. Maganda sakyan at gaya nga ng sabi ko, hindi masaya. Nanginginig tuhod ko nung pababa na kami ng ride na iyon habang tumatakbo ng walang patutunguhan ang mga salita sa utak ko na, 'ayan kasi. Atat ka sumakay ng ride-up'.
Iyan ang buhay. Puno ng pagpipilian na nakakalito. Ang sabi nga nila, nasa diskarte lamang daw ng tao iyan. Ako ay napapaisip bakit binibigyan pa ako ng pagpipilian sa buhay subalit madalas ako nagkakamali. At ako ay nakakahalata dumadalas ang minsan. Gaano kadalas ang minsan? Nakakatawa.
Sa isang gabi, nasimot bulsa ko at pati yata utak ko ay nasimot ng ride na iyon. Hindi ako nagsisisi na pinili ko magkaganon ang gabi ko dahil kung hindi dahil dun, hirap pa rin ako sa pamagat ng aking munting blog na ito. Ang punto ko sa pamagat na ito na ang perya parang buhay. Masaya kapag nababalikan ang masasayang nakaraan. Malungkot kapag nasimot ang bulsa mo na ang laman ay pinag-hirapan mo talaga at hindi galing sa magulang mo. Pero ang pinaka-maganda ay natututo ang tao na ngumiti o tulad ko na tinatawanan ang pagkakamali na tadyak at sapak sa akin. Iyan ang perya sa akin at gusto ko pa itong pag-usapan sa mga susunod kong isusulat. Tip: tawanan ang mga pagkakamali sa buhay at kalimutan na ito pero sana huwag maisip na katawa-tawa ang blog ko.