Isang karaniwan na salita ang 'perya' lalong-lalo na kapag piyesta sa isang bayan. Ito ay isang lugar kung saan nagkukumpol-kumpol ang mga tao upang maglibang. Ilan sa mga halimbawa ng mga libangan dito ay mga sugal, masasarap na pagkain, mga palabas at mga 'rides' na talaga namang patok sa mga dumadalo.
Sa sobrang dami ng mga salita na aking nagagamit sa isang araw, napapa-isip ako bakit ito ang napili kong pamagat ng aking mabusising pagbubuhos ng laman ng aking mumunting isipan sa pagsusulat ng blog. Marahil ang pinaka-ugat ng paglutang nitong salita na ito ay sa kadahilanan na ako ay nanggaling sa nasabing lugar bago ako nagsulat nitong panimula ko. Napakaganda ng aking naranasan doon kaya naisipan ko na ito na ang pamagat na maikukumpara ko sa mga nangyayari sa buhay ng tao.
Ang sinasabi ko na magandang nangyari kanina sa perya kanina ay hindi masaya. Iyan ang nauna kong natutunan sa pagbisita kong muli doon: hindi lahat ng maganda sa paningin ay masayang maranasan. Ito ay aking ilalahad sa mga susunod na parte.
Kasama ko ang mga kapatid at pinsan ko sa pagpunta doon. Talaga namang napakalaki ng ngiti ko at hindi matago ang saya sa mga mata at kilos ko. Alam ko medyo mababaw ang aking kasiyahan pero hindi ito dahil mismo sa perya. Ito ay dahil marami akong ala-ala sa lugar na ito na pinupuntahan namin kapag piyesta noong bata pa kami. Una naming pinuntahan ang 'color box' na sugal o laro. Ang gagawin mo lamang ay mamimili ng kahit ilan sa anim na kahon na mayroong iba't-ibang kulay. Itataya mo doon ang pera mo at hihintayin ang go signal para hilain ang tali para malaglag ang tatlong dice na naglalaman rin ng mga kulay na nasa board ng tayaan. Kapag mayroon kang itinaya sa isa o dalawa o di kaya naman ay tatlo sa mga kulay na lumitaw sa mga dice, ang halaga ng itinaya mo ay magiging doble.
Napakahaba ng aking pagpapaliwanag pero iisa lamang ang nakakainis na nangyari. Siyempre, pinatalo ko lahat-lahat ng dala ko na pera. Napakaganda ng natutunan ko pero hindind-hindi ako nasiyahan sa pagkalugi ko. Ako ay natatawa na lamang dahil kasalanan ko rin at hindi ko alam paano huminto sa pagtaya kasi umaasa ako na mababawi ko pa. Iyan ang karaniwang sinasabi ng mga sugarol. Nagtanda na sana ako. Ang nais ko lang naman sabihin ay ang buhay ko, katulad ng buhay ng iba, ay punong-puno ng pagpipilian. Ang problema, parang ang mga pinipili ko ay laging mali.
Isa pang maganda na nangyari sa akin kanina ay naranasan kong sumakay ng 'round-up'. Talaga namang pinilit ko ang ate ko ate dalawang pinsan na sumakay kami doon. Lahat ng iba naming kasama ay kahit bigyan mo ng suhol ay talaga naman hindi sasakay. Sana pala nakinig na lamang ako sa kanila. Patatayuin lamang nila ang mga nais sa sumakay sa loob ng bilog pero sila ay nasa gilid at mayroon silang hinahawakan at sasandalan upang hindi malaglag. Bukod pa sa tanikala na naka-tiwangwang sa harapan ng mga sumasakay, wala ng iba pang safety gear. Basta ang sumunod na nangyari ay umiikot na ang bilog at talaga namang mabilis. Sa sobrang bilis, pakiramdam ko nakabakat na iyong railing na sinasandalan ko sa likod ko. Iyong bilog ay tataas at bababa sa iba't-ibang anggulong nakakahilo, nakakasuka, nakakatakot, nakakainis (dahil yung isang lalaki na kasabay namin ay may balak magsuka kahit hindi pa tapos yung ride) at nakaka-alog ng utak. Maganda sakyan at gaya nga ng sabi ko, hindi masaya. Nanginginig tuhod ko nung pababa na kami ng ride na iyon habang tumatakbo ng walang patutunguhan ang mga salita sa utak ko na, 'ayan kasi. Atat ka sumakay ng ride-up'.
Iyan ang buhay. Puno ng pagpipilian na nakakalito. Ang sabi nga nila, nasa diskarte lamang daw ng tao iyan. Ako ay napapaisip bakit binibigyan pa ako ng pagpipilian sa buhay subalit madalas ako nagkakamali. At ako ay nakakahalata dumadalas ang minsan. Gaano kadalas ang minsan? Nakakatawa.
Sa isang gabi, nasimot bulsa ko at pati yata utak ko ay nasimot ng ride na iyon. Hindi ako nagsisisi na pinili ko magkaganon ang gabi ko dahil kung hindi dahil dun, hirap pa rin ako sa pamagat ng aking munting blog na ito. Ang punto ko sa pamagat na ito na ang perya parang buhay. Masaya kapag nababalikan ang masasayang nakaraan. Malungkot kapag nasimot ang bulsa mo na ang laman ay pinag-hirapan mo talaga at hindi galing sa magulang mo. Pero ang pinaka-maganda ay natututo ang tao na ngumiti o tulad ko na tinatawanan ang pagkakamali na tadyak at sapak sa akin. Iyan ang perya sa akin at gusto ko pa itong pag-usapan sa mga susunod kong isusulat. Tip: tawanan ang mga pagkakamali sa buhay at kalimutan na ito pero sana huwag maisip na katawa-tawa ang blog ko.
Mahusay ang pagpapaliwanag ng katuturan ng salita. 96%
ReplyDelete