Wednesday, March 11, 2009

Ploning

Si Ploning ay ginanap ni Judy Anne Santos at tungkol ito sa babaeng trenta anyos na at hindi pa ikinakasal. Ito rin ay tungkol kay sa isang lalaki na nagngangalang "Digo" at si Ploning ang kaniyang "surrogate mother" dahil ang tunay niyang inay ay paralisado na. Si Cedric Amit ang gumanap bilang Digo at mahusay niya namang nagampanan iyon kahit na bago-bago pa lamang siya sa pag-arte.

Napakagaling ng mga gumanap dahil talagang pinag-aralan nila ang salitang "Cuyonon". Hindi biro ang mag-aral ng salita. Ang pagkakasambit ni Judy Anne sa kaniyang mga linyang Cuyonon ay parang natural lamang. Walang bahid ng ebidensya na bago-bago lamang siya sa salitang nabanggit.

Ang sinematograpiya ng Ploning ay talaga naman kamangha-mangha dahil naipapakita nito ang totoong ganda ng Pilipinas. Ang dagat sa Cuyo ay parang walang kasing asul at talaga namang matingkad ang kulay. Napakasimple ng buhay at naipakita nila ng mabuti ang panahon na "noon" at "ngayon". Makikita agad sa sinematograpiya ang pagbabago ng lakbay ng panahon kaya hindi ito masyadong nakakalito.

Napakganda ang eksena nang si Gina Pareno ay nagbuhos ng kaniyang sama ng loob ukol kay Tomas. Talaga naman na nakakaiyak ang eksena dahil sa hindi ko malamang aura na lumabas sa mga tauhan. Ang karisma na kanilang inihahandog sa tao ay hindi pwedeng tanggihan na para bang wala kang kawala. Napakaganda. Patuloy ang pamamayagpag ni Pareno maski siya lamang ay aktres na sumusuporta sa pinaka-bida.

Sa kabuuan, makikita at mararamdaman mo ang pagmamahal kay Ploning kahit na siya ay walang lalaking kapares sa istorya. Lahat ng mga tauhan ng palabas na ito ay hindi pampasikip o bilang ekstra lamang. Lahat sila ay malaki ang kontribusyon sa kinalabasan ng Ploning. At dahil diyan, ang palakpak ng marami ay kulang para maipakita ang ganda ng palabas na Ploning.

1 comment: